Nagbabala ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na mas mapapamahal ang Pilipinas sakaling sa Estados Unidos bumili ng lahat ng produktong pang-agrikultura.
Inihayag ito ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet kasunod ng anunsiyo ni US President Donald Trump na pumayag ang bansa na kunin sa Amerika ang lahat ng inaangkat nitong agricultural products at pangangailangan sa enerhiya.
Iginiit ni Cainglet na hamak na mas mura pa rin ang mga produktong pang-agrikultura na nabibili sa Brazil at sa iba pang mga bansang mas malapit sa Pilipinas.
Bukod sa presyo ng mismong produkto, mas magiging magastos din umano ang pagbiyahe o freight cost kung manggagaling pa sa Amerika ang mga suplay.
Naniniwala naman ang opisyal na posibleng nagbibida-bida lamang si Trump sa kaniyang naging pahayag sa publiko.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Cainglet na mahalaga pa ring linawin agad ng pamahalaan ng Pilipinas ang tunay na estado ng nasabing kasunduan upang hindi malito ang lokal na sektor ng agrikultura.














