Pangungunahan ng Pilipinas ang pagtitipon ng daan-daang opisyal ng agrikultura, eksperto, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific simula ngayong Lunes para sa apat na araw na kumperensya na naglalayong pabilisin ang makabago at sustenableng pagsasaka sa rehiyon.
Inorganisa ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations at pinangasiwaan ng Department of Agriculture (DA), ang Asia-Pacific Conference on Sustainable Agricultural Mechanization (APSAM) 2026 ay gaganapin mula Nobyembre 23 hanggang 26 sa Solaire Resort sa Parañaque City na may temang “Modernize. Scale. Sustain.”
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaking pagkakataon ang pagtitipong ito upang makapagbahagi ng kaalaman at makabuo ng mga alyansa ang mga bansa para mapataas ang produksyon, madagdagan ang kita ng mga magsasaka, at matiyak ang seguridad sa pagkain.
Bagama’t ang Asia-Pacific ang pinakamalaking merkado ng mga makinaryang pang-agrikultura sa buong mundo, nananatiling hindi pantay ang paggamit nito sa iba’t ibang lugar, kung kaya’t ibibida rin ng bansa ang mga pangunahing produkto nito tulad ng mangga, abaka, pinya, at saging habang tinutugunan ang pangangailangan ng halos 20 milyong Pilipinong umaasa sa pagsasaka.
Sesentro ang mga talakayan at aktuwal na demonstrasyon sa paglikha ng magandang polisiya, pagpapalawak ng pondo, at pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak na ang makabagong makinarya ay direktang mapapakinabangan ng maliliit na magsasaka, kababaihan, at kabataan.














