Naghatid ang Department of Agriculture (DA) ng tatlong modular cold storage facilities at nagbukas ng rehistrasyon para sa fuel assistance sa Ilocos Sur upang maiwasan ang pagkasira ng ani at mabawasan ang gastos sa pagbiyahe ng mga produktong agrikultural.
Pormal na pinasinayaan noong Nobyembre 20 ang nasabing mga pasilidad sa mga bayan ng Sto. Domingo, Bantay, at Narvacan na magsisilbing imbakan upang mapanatiling sariwa ang mga produkto at mabigyan ang mga magsasaka ng mas mahabang panahon bago ibenta ang kanilang ani nang hindi napipilitang magbaba ng presyo.
Kasabay nito, nagdaos din ang kagawaran ng registration caravan sa Sto. Domingo para sa fuel assistance ng mga agricultural trucker at namahagi ng mga Intervention Monitoring Card (IMC) para sa fuel subsidy ng mga magsasaka bilang tugon sa tumataas na presyo ng krudo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., mahalaga ang pagtatayo ng mga post-harvest facility at maayos na sistema sa transportasyon upang maprotektahan ang kita ng mga magsasaka at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Bahagi ang mga hakbang na ito ng mas malawak na Government Assistance and Interventions for National Agriculture (GAIN) Program ng DA na naglalayong palakasin ang kabuuang supply chain at ihanda ang sektor ng agrikultura sa epekto ng El Niño at iba pang hamon sa ekonomiya.














