-- Advertisements --

Naglibot at nagsagawa ng inspeksiyon ang Department of Agriculture (DA) sa ilang pampublikong palengke sa Metro Manila ngayong Biyernes, Nobyembre 20, eksaktong 35 araw bago ang Pasko.

Pinangunahan ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra ang pag-iikot sa mga pamilihan upang personal na suriin ang suplay at galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang papalapit ang holiday season.

Partikular na binabantayan ng ahensya ang suplay at presyo ng mga pampalasa o spices, na madalas na nagmamahal at pinangangambahang itago o i-hoard tuwing sumasapit ang Kapaskuhan.

Ayon kay Guevarra, inaasahan na nila ang pagtaas ng demand sa mga susunod na linggo batay na rin sa historical monitoring ng kagawaran bago mag-Pasko, kaya mahigpit ang kanilang pagbabantay upang maiwasan ang biglaang pagsipa ng presyo.

Samantala, nauna nang nagsagawa ng hiwalay na price monitoring ang DA–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) sa mga pampublikong palengke sa rehiyon mula Nobyembre 9 hanggang 13 upang suriin ang bentahan ng mga top fishery commodities sa merkado.

Batay sa kanilang pagtataya sa mga pangunahing produktong isdang ito, pumapalo sa P260 hanggang P280 kada kilo ang presyo ng bangus, habang nagsisimula naman sa P160 kada kilo ang bentahan ng tilapia depende sa laki at dami ng piraso.

Umaabot naman sa P240 hanggang P300 kada kilo ang presyo ng sariwang lokal na galunggong, habang tiniyak ng kagawaran na magpapatuloy ang kanilang regular na pag-iikot sa mga palengke upang maprotektahan ang mga mamimili mula sa labis na pagtaas ng presyo ngayong Kapaskuhan.