-- Advertisements --

Kinuwestyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagkakaiba sa oras ng pagkamatay na nakalagay sa death certificate ng Ateneo student na si Rene Clert Baterbonia matapos ang insidente ng pagkalunod sa Aurora.

Ayon sa PNP-CIDG, narekober ang katawan ni Baterbonia dakong alas-3:40 ng hapon noong Hunyo 8, 2026. Ngunit nakasaad naman sa kanyang death certificate ay alas-3:33 ng hapon.

Bagama’t napansin ang discrepancy ay sinabi ni PNP-CIDG officer-in-charge P/Lt. Col. Michael Odejerte na hindi muna sila magbibigay ng konklusyon tungkol sa pagkakaibang ito habang sinusuri pa ang mga record at pahayag ng mga sangkot, kabilang ang mga medical personnel at doktor na nagkumpirma ng kanyang pagkamatay.

Kasama ni Baterbonia na nasawi ang kapwa Ateneo student-athlete na si Divine Adili, na iniulat namang narekober dakong alas-3:45 ng hapon.

Sa pagdinig ng Senado, humarap si Ateneo President Fr. Roberto “Bobby” Yap at muling humingi ng paumanhin sa mga pamilya ng dalawang estudyante.

Nilinaw din ni Yap na patuloy na nagbibigay ng suporta ang unibersidad sa mga pamilya at sa mga student-athlete na naapektuhan ng trahedya.

Samantala, kinondena niya ang cyberbullying at online harassment na nararanasan ng ilang teammates nina Baterbonia at Adili habang sila ay nagluluksa.

Ayon kay Yap, patuloy ang pagbibigay ng counseling, emotional support, at iba pang tulong sa mga estudyante at miyembro ng komunidad ng Ateneo na naapektuhan ng insidente.