Pinag-aaralan ng pamilya ng yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Clert Baterbonia ang posibilidad na magsampa ng supplemental complaint kaugnay ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa abogado ng pamilya na si Atty. Israelito Torreon, wala pa silang pinal na desisyon sa susunod na hakbang dahil hinihintay pa nila ang kopya ng reklamong inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng umano’y paglabag sa Anti-Hazing Law.
Sinabi ni Torreon na hindi pa niya mabibigyan ng buong komento ang kaso dahil hindi pa niya nababasa ang nilalaman ng reklamo. Aniya, nakapagtataka rin na hindi pa nabibigyan ng kumpletong kopya ng reklamo ang pamilya ng biktima.
Hindi rin nakadalo si Torreon sa closed-door briefing ng CIDG kasama ang pamilya Baterbonia dahil naipit siya sa matinding trapiko. Gayunpaman, sinabi niyang nakadalo naman ang isa niyang associate at isa pang abogado mula sa kanilang legal team.
Ayon kay Torreon, habang nasa Agusan sila ay may mga dokumentong pinirmahan ang kanyang mga kliyente at naihain na rin umano ang reklamo. Gayunpaman, iginiit niyang may maaari pa silang gawin sa ilalim ng batas.
Binanggit din ng abogado ang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaari pang mabago ang listahan ng mga respondent sa reklamo. Dahil dito, sinabi niyang pinag-aaralan nilang magsampa ng supplemental complaint upang maisama ang iba pang mga taong sa tingin ng pamilya ay may pananagutan sa insidente.
Nauna nang inirekomenda ng CIDG ang pagsasagawa ng preliminary investigation laban sa nagbitiw na Ateneo head coach Tab Baldwin at sampung iba pa kaugnay ng team-building activity sa Aurora na ikinasawi ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
















