-- Advertisements --

Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang vlogger matapos mag-viral ang video nito na nagpapakita ng pagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet at habang nakatayo.

Inatasan ang vlogger na humarap sa pagdinig ng LTO Intelligence and Investigation Division sa Disyembre 1, 2026, at magsumite ng sinumpaang paliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag sa batas-trapiko.

Kabilang sa mga posibleng kaso ang reckless driving at paglabag sa Mandatory Use of Motorcycle Helmets Act. Inatasan din siyang isuko ang kanyang driver’s license at sumailalim sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay LTO Chief Asec. Markus V. Lacanilao, walang pinipili ang ahensya sa pagpapatupad ng batas at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag, anuman ang kasikatan o katayuan sa publiko.