-- Advertisements --

Nilinaw ng Quezon City Traffic and Transport Management Department na hindi pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ang bus unit na kamakailan ay bumagsak sa roadworthiness at safety inspection ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon sa pahayag ng LGU, ang naturang bus ay pagmamay-ari ng isang pribadong bus company na nagsisilbing partner ng lungsod sa kanilang Libreng Sakay program.

Bago pa man ang ginawang inspeksyon ng mga awtoridad, noong Biyernes pa huling bumyahe ang nasabing unit sa biyaheng Quezon City Hall patungong Litex.

Matatandaang bumagsak ang bus sa inspeksyon matapos matuklasan ang sunod-sunod na paglabag nito, kabilang ang sirang signal light at brake light, paggamit ng gulong na kulang sa turnilyo, at pagkakabit ng improvised plate nang walang kaukulang authorization letter mula sa LTO.

Dahil sa insidente, nangako ang pamunuan ng Traffic and Transport Management Department na lalo pa nilang hihigpitan ang regular na on-the-spot inspection sa lahat ng mga bus na ginagamit sa kanilang programang libreng sakay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.