Sa ilalim na panibagong patakaran ng Land Transportation Office (LTO), sisimulan na ng mga ito sa Nobyembre 15 ang pagbawi sa mga lisensiya ng mga mahuhuling driver na nasa ilalim ng impluwensiya o nakainom ng alak.
Ipinatupad ang nasabing kautusan kasunod ng inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa nalalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon.
Giit ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, mananatiling paiiralin ang batas laban sa drunk drivers alinsunod sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Ngunit dagdag naman ni Lacanilao, maaari pang iapela ang nasabing pagbawi ng lisensya dahil daraan din sa proseso ng korte ang mga lalabag sa nasabing polisiya kung saan hahawakan ng LTO Intelligence and Investigation Division ang kaso at magkakaroon ng mga pagdinig bago maglabas ng resolusyon.
Ayon pa rito, maaari namang maging permanente ang pagbawi ng lisensya sa mga mas malubhang sitwasyon.
















