-- Advertisements --

Tatlong weather systems ang inaasahang makakaapekto sa bansa sa darating na long Undas weekend ngayong taon, ayon sa special weather outlook ng PAGASA nitong Miyerkules, Oktubre 28.

Iyan ang Northeast Monsoon o ang Amihan, ang shear line, at ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Simula sa darating na Biyernes, Oktubre 30, magdadala ng kaulapan ang amihan na may bahagyang pakalat-kalat na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, at Ilocos Norte habang ang shear line naman ay magdadala rin ng kaulapan at bahagyang kalat-kalat na pag-ulan sa hilagang-silangang bahagi ng bansa sa Isabela, Aurora, at Quezon province.

Gayundin ang mararanasan ng Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caragao, Southern Leyte, Negros Oriental, at Siquijor na may karadagang thunderstorms dulot naman ng ITCZ.

Makakaranas naman ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa ng bahagyang kaulapan na may tyansa ng rainshowers o thunderstorms sa ilang lugar na maaaring maranasan sa hapon o gabi ng Biyernes.

Pagpatak naman ng Sabado, Oktubre 31, magiging maulap na may pag-ulan ang bungad ng araw sa hilagang rehiyon ng bansa dulot ng amihan sa Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, at Ilocos Norte.

Ang shear line axis naman sa araw na ito ay bahagyang tutungong timog kung saan magdadala ito ng maulap na langit na may kaunting pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Aurora, Quezon, Northern at Eastern Samar, at Samar.

Dadalhin naman ng ITCZ ang maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Zamboanga Peninsula, Basilan, at Tawi-tawi.

Mararanasan sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng bansa ang bahagyang kaulapan na may isolated rainshowers o thunderstorms.

Sa Araw ng mga Santo naman, Nobyembre 1, magdadala ang shearline ng kaulapan at kalat-kalat na pag-ulan maging mga isolated thunderstorms sa Bicol Region, Aurora, at Quezon at bahagyang kaulapan na may ilang mahinang pag-ulan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region (CAR) bunsod ng amihan.

Ang ITCZ naman ay patuloy na magdadala ng maulap na langit na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Zamboanga Peninsula, Basilan, at Tawi-Tawi.

Ang Metro Manila naman, kabilang ang natitirang bahagi ng bansa, ay makakaranas ng bahagyang kaulapan na may tyansa ng ilang pag-ulan o thunderstorms.

Para naman sa darating na Araw ng mga Kaluluwa sa Lunes, Nobyembre 2, magdadala ang amihan ng kaulapan na may isolated light rains sa Metro Manila, Cagayan Valley, CAR, Ilocos Region, Central Luzon, Cavite, Batangas, Laguna, at Rizal.

Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay makakaranas ng kaulapan na may karagdagang isolated rainshowers o thunderstorms.