-- Advertisements --

Anim na katao ang naitalang sugatan sa banggaan ng isang taxi at isang dump truck nitong Martes ng gabi, Oktubre 27, sa kahabaan ng AMLAC St., Brgy. Payatas sa Quezon City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), nawalan umano ng preno ang dump truck bago tumagilid sa direksyon ng isang taxi at madaganan ito.

Bumangga rin ang nasabing truck sa isa pang SUV galing sa opposite lane ngunit wala namang natamong sugat ang driver nito.

Samantala, sugatan ang isang taxi driver, apat na pasahero, at ang nagmamaneho ng nasabing dump truck.

Unang nailigtas mula sa pagkakadagan ang apat na pasahero at ang driver ng nasabing truck ngunit nagtagal ng tatlong oras ang rescue operations sa paglikas sa taxi driver matapos itong ma-trap sa sasakyan.

Nasa pangangalaga na ng Quezon City Social Services and Development Department (SSDD) ang mga biktima.

Samantala, nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Payatas Road ang insidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 5 sa aktwal na dahilan ng banggan habang inaaral na rin nito kung sino ang mananagot batay sa ebidensiyang nakalap nito.