Humarap kaninang pasado alas-8:00 ng umaga sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98 si Vice President Sara Duterte para sa kaniyang opisyal na arraignment kaugnay ng tatlong bilang ng kasong grave threats.
Inaasahang pormal na babasahan sana ng sakdal ang Bise Presidente at hihilingan ng kaniyang plead kung “guilty” o “not guilty” sa mga iminumungkahing paratang ng korte, ngunit hindi ito natuloy.
Nagmula ang mga kaso sa pormal na paghahain ng Department of Justice noong Agosto matapos ang kaniyang mga pahayag sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 ukol sa pagkuha ng hitman laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay, bagay na kaniya namang itinanggi.
Nauna nang naipagpaliban ang naturang pagbasa ng sakdal noong Setyembre 11 bago ito itinuloy ngayong araw matapos siyang mag-post ng piyansang P120,000 para sa bawat bilang noong Setyembre 5 makaraang maglabas ng arrest warrant ang korte.
Ang usapin ukol sa umano’y pananakot at pagbabanta ay kabilang din sa mga pangunahing artikulo at batayan ng kinakaharap nitong impeachment trial sa Senado.















