-- Advertisements --

Tinawag ng Malacañang na hindi makatuwiran ang panukalang hikayatin ang mga Pilipino, partikular ang mahihirap, na mag-ambag para mabayaran ang utang ng bansa.

Ayon sa Palace Communications Office, hindi makatarungang hingan pa ng kontribusyon ang mga nasa laylayan ng lipunan para tugunan ang mga obligasyong pinansyal ng pamahalaan. Dapat munang pag-isipang mabuti kung makatuwiran at patas ang mga mungkahing inihahain sa publiko.

Ipinaliwanag ng Palasyo na malaking bahagi ng pondo ng gobyerno ay ginagamit sa mga proyektong pampubliko gaya ng paggawa ng mga tulay at kalsada, gayundin sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nangangailangan.

Gayunman, maaari umanong mamuhunan ang mga Pilipino sa treasury bonds ng pamahalaan bilang isang paraan ng pagpapautang sa gobyerno kapalit ng interes. Giit ng Palasyo, dapat mag-alok ang pamahalaan ng makatarungang interest rate upang kapwa makinabang ang gobyerno at ang mga mamumuhunan.