-- Advertisements --

Hinimok ng Malacañang ang publiko na subaybayan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), dahil direktang sangkot dito ang mga Pilipino bilang mga nagrereklamo at ang dating pangulo bilang akusado.

Ayon sa Presidential Communications Office, hindi lamang ang pamahalaan ang dapat magmonitor sa mga pagdinig dahil usapin ito ng paghahanap ng hustisya para sa mga Pilipino.

Nakatakdang simulan ng ICC Trial Chamber III ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands. Inaasahang magbibigay muna ng plea ang dating pangulo bago ilahad ng prosekusyon at mga kinatawan ng mga biktima ang kanilang mga pambungad na pahayag. Tinatayang maghahain ang prosekusyon ng humigit-kumulang 100 testigo sa buong paglilitis.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019. Mahigit 500 biktima ang pinayagang lumahok sa paglilitis, habang mananatiling may presumption of innocence ang dating pangulo hangga’t hindi napapatunayan ang kaniyang pagkakasala.