-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng Supreme Court na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ayon sa Bise Presidente, hindi dapat basta ibasura bilang moot ang isang petisyon kung nakasalalay dito ang mga usapin ng pambansang soberanya, pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon, at tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ang buhay at kalayaan ng bawat Pilipino laban sa pakikialam ng dayuhan.

Ang mga petisyon ay inihain nina Davao City First District Representative Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte, at Veronica Duterte sa ngalan ng kanilang ama. Ibinasura ito ng Supreme Court matapos magpasya na moot and academic na ang mga kaso dahil nasa kustodiya na ng ICC si Duterte sa The Hague.

Nahaharap ang dating Pangulo sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra droga. Nakatakda siyang humarap sa paglilitis sa ICC sa susunod na linggo.

Samantala, sinabi ng Malacañang na iginagalang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon ng Korte Suprema. Binigyang-diin din nito na kinikilala ng korte ang hurisdiksiyon ng ICC sa mga krimeng umano’y naganap habang miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas, bago naging epektibo ang pag-alis nito noong 2019.