Kinondena ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang freeze order ng Court of Appeals (CA) sa 128 ari-arian na iniuugnay kay dating Energy Secretary Alfonso Cusi at Batangas Representative Leandro Leviste.
Hiniling ng partido sa appellate court na agad bawiin ang kautusan, na tinawag nitong walang batayan at may motibong pulitikal upang gipitin at patahimikin ang mga personalidad ng oposisyon.
Ayon sa PDP-Laban, hindi nangangahulugan ng pagkakasala ang pagkakaroon ng freeze order dahil wala pang hatol o patunay na may nagawang paglabag sina Cusi at Leviste.
Kinuwestiyon din ng partido ang umano’y dobleng pamantayan ng administrasyon sa pag-iimbestiga sa mga alegasyon ng katiwalian, at iginiit na ginagamit umano ang mga ahensiya ng gobyerno laban sa mga kritiko nito.
Kaugnay ito ng imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council sa umano’y P11-bilyong money trail na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng solar energy contract noong panahon ni Cusi bilang kalihim ng Department of Energy. Kabilang sa iniimbestigahan ang mga transaksiyong konektado sa negosyo ni Leviste.














