Itinanggi ni bagong Land Transportation Office (LTO) Chief Noreen Bernadette San Luis ang mga paratang ng transport group na MANIBELA kaugnay ng kaniyang pagkakatalaga sa ahensiya.
Tiniyak ni San Luis na hindi niya papayagang makabalik sa puwesto ang mga tiwaling opisyal at sisiyasatin ang rekord ng mga tauhan ng LTO.
Itinanggi rin niya ang umano’y koneksiyon sa isang German firm at ang alegasyong ibabalik niya ang sistema nito. Aniya, natapos na noong Mayo ang kontrata ng naturang kompanya bilang supplier ng IT system ng LTO.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na isasama sa eGov application ang mga serbisyo ng LTO, kabilang ang driver’s license at vehicle registration, upang mapadali ang transaksiyon at mabawasan ang mga fixer. Iniutos din ng Pangulo ang bukas na bidding para sa isang integrated IT system ng ahensiya.
Pinalitan ni San Luis si Markus Lacanilao na itinalagang officer-in-charge ng Maritime Industry Authority. Bilang pagtutol sa leadership change, nagsagawa ang MANIBELA ng tatlong araw na tigil-pasada sa Metro Manila mula Nobyembre 23 hanggang 25.














