Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na iniimbestigahan na nila, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT), ang napaulat na data breach sa motorcycle taxi platform na JoyRide.
Ito ay matapos umanong makompromiso ang tinatayang 504 gigabytes ng data na naglalaman ng mahigit 20.5 milyong customer profiles at mahigit 420,000 driver registrations.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, naiparating na niya kay DICT Secretary Jay de Claro ang insidente upang agad na masuri at maimbestigahan ang posibleng pagnanakaw ng datos.
Binigyang-diin ng kalihim na kailangang may managot sakaling mapatunayang nagkaroon ng paglabag, dahil nakataya rito ang personal na impormasyon ng mga customer at motorcycle taxi riders.
Giit ni Dizon, responsibilidad ng platform company na tiyakin ang seguridad at proteksyon ng data ng kanilang mga gumagamit.
Makikipag-ugnayan din ang DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang alamin ang mga posibleng sanction na maaaring ipataw sa JoyRide kung mapatutunayang may paglabag ito sa mga umiiral na regulasyon.
Matatandaang kinumpirma ng naturang motorcycle taxi comlany ang pagkakaroon ng cybersecurity incident na posibleng nagresulta sa pagkakalantad ng ilang impormasyon ng mga gumagamit nito.
Sa ngayon, nagsasagawa na rin umano ng sariling imbestigasyon ang kumpanya katuwang ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at cybersecurity experts.
Hindi pa naman ganap na natutukoy ang lawak ng epekto ng insidente at kung anong partikular na impormasyon ang tuluyang nakompromiso.















