Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 41-anyos na Vietnamese babae matapos mahuling gumagamit ng Philippine passport na may pekeng pagkakakilanlan sa NAIA Terminal 1.
Papunta sana ang suspek sa Ho Chi Minh City, Vietnam, gamit ang passport na nakapangalan kay Mary Ann Altarejos Antolin.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ng BI na ang tunay niyang pangalan ay Huynh Thị Loan, isang Vietnamese national na ipinanganak sa Vietnam. Naging kahina-hinala rin sa mga immigration officer ang kanyang kawalan ng kakayahang magsalita o umunawa ng Tagalog at magbigay ng impormasyon tungkol sa kanyang sinasabing Filipino background.
Ayon sa BI, bahagi ang insidente ng kampanya laban sa tinatawag na “Phantom Citizenship” scheme, kung saan gumagamit ang mga dayuhan ng pekeng Filipino identity upang makuha ang mga pribilehiyo ng pagiging mamamayan ng Pilipinas.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay ang deportation proceedings.














