Hinarang ang isang Pilipino sa Mactan-Cebu International Airport na tungo sanang Russia para sa isang security-related na trabaho.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo, hinarang ang 50 años na Pilipino na lilipad sana ng Vietnam nitong Oktubre 10.
Batay naman sa imbestigasyon, nang kwestiyonin ang pasahero, dito nito inamin na tungo sana itong Russia para sa alok na trabaho bilang K9 handler.
Ni-recruit umano ang 50 años sa pamamagitan ng isang social media app kung saan nito nakausap ang recruiter para sa naturang alok na trabaho na may buwanang sahod umano na USD 3,500 bago nito natanggap ang mga travel document.
Ayon pa rito, inutusan umano ng recruiter ang pasahero na magpanggap bilang turista at itago ang anumang may kinalaman sa naturang alok.
Agad naman isinailalim sa kustodiya ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pasahero para sa mas masusing pagsisiyasat ng umano’y recruitment scheme.
Kaugnay nito, nagbabala muli ang BI laban sa mga kahina-hinalang mga overseas job offers lalo na sa mga nag-uutos sa mga recruiters na itago ang totoong pakay ng pagbyahe o ang pagtago ng anumang may kinalaman sa recruitment.
“Human trafficking can begin with what appears to be a legitimate job opportunity. Filipinos must remain alert to deceptive recruitment tactics and seek assistance from the proper authorities when an offer raises suspicion,” pagpapaalala ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado.
Payo pa ng ahensiya sa mga nagbabalak na magtrabaho abroad, suriing mabuti sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga inaalok na trabaho upang masigurado na lehitimo at kumpleto ang mga dokumento para sa recruitment bago bumyahe.














