Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga awtoridad na tiyaking ligtas at maayos ang pagsasagawa ng pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang maiwasan ang karahasan at posibleng pagkasawi ng mga sibilyan at operatiba.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na mahalagang matiyak ang kaligtasan kapwa ni Dela Rosa at ng mga law enforcer na magsasagawa ng operasyon, dahil mapanganib ang ganitong uri ng pagpapatupad ng batas.
Binigyang-diin niya na dapat maging maayos ang pag-aresto, lalo na matapos ang mga pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng humantong sa karahasan ang operasyon.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring umabot sa 10,000 ang mamatay kung sapilitang aarestuhin si Dela Rosa. Dahil dito, ayon kay Remulla, nakikipagnegosasyon ang pamahalaan upang mahikayat ang senador na sumuko.
Gayunman, iginiit ni Gatchalian na dapat panindigan ng gobyerno ang awtoridad nito sa harap ng ulat na may armadong grupong umano’y kumakalinga kay Dela Rosa.
Nauna nang sinabi ng Senate President na hindi dapat nakikipagnegosasyon ang pamahalaan sa mga armadong grupong walang awtorisasyong humawak ng armas, lalo na kung kabilang ang mga ito sa mga grupong kriminal o terorista.
Aniya, maaaring magmukhang mahina ang gobyerno kung makikipagnegosasyon ito sa mga grupong dapat sana ay nasa ilalim ng batas.
Gayunman, nilinaw ni Gatchalian na hindi niya alam ang buong detalye tungkol sa grupong umano’y nagpoprotekta sa senador. Nauunawaan din niya kung bakit hindi inilalantad ng mga awtoridad ang ilang impormasyon dahil sa mga konsiderasyong pangseguridad.
Matatandaan na inanunsiyo na ng pamahalaan ang P50-milyong pabuya para makatulong sa pag-aresto kay Dela Rosa, habang binigyan naman siya ng Philippine National Police ng isang linggo upang sumuko.
Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na wala siyang natanggap na anumang komunikasyon mula kay Dela Rosa, kabilang ang posibleng kahilingan na ilagay siya sa kustodiya ng Senado. Huli umano silang nagkausap nang magpakita ang senador sa Senado noong Mayo.















