-- Advertisements --

Iminungkahi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na manatiling naka-live stream ang mga pagdinig ng bicameral conference committee kahit suspendido ang sesyon upang maiwasan ang mga kuwestiyonableng usapan at negosasyon sa likod ng mga camera habang tinatalakay ang panukalang 2027 national budget.

Ayon kay Lacson, mahalagang makita ng publiko ang mga nagaganap sa bicameral conference committee o bicam, kung saan pinagkakasundo ng mga kinatawan ng Senado at Kamara de Representantes ang kani-kanilang bersiyon ng panukalang pambansang budget.

Dagdag pa ng senador na noong nakaraang taon, nagkaroon ng maraming suspensiyon sa mga pagdinig ng bicam, kung saan maaaring nag-uusap nang pribado ang mga mambabatas sa mga sulok na hindi naaabot ng mga camera.

Bukod sa tuloy-tuloy na livestream, nanawagan din ang senador na bawasan ang mga suspensiyon sa bicam dahil maaari umanong magamit ang mga ito sa mga usapang hindi nasusubaybayan ng publiko.

Aniya, dapat lamang suspindihin ang sesyon kung kinakailangan, gaya ng pagpapahinga o pagpunta sa palikuran, at hindi upang magkaroon ng mga pribadong talakayan o tawaran sa mga probisyon ng budget.

Ang panukala ni Lacson ay kasunod ng kaniyang mga panawagan para sa mas mahigpit na pagsusuri sa pambansang budget at pagpigil sa mga kuwestiyonableng alokasyon.

Nauna na rin niyang ibinunyag ang umano’y alok na P5-milyong “allocation fund” na iniuugnay sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Itinanggi naman ni TESDA Director-General Jose Francisco “Kiko” Benitez na pinahintulutan niya ang naturang alok para sa senador.

Sa ilalim ng bicam, pinagkakasundo ng mga mambabatas ang magkaibang bersiyon ng panukalang budget bago ito isumite para sa ratipikasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Dahil dito, mahalaga ang transparency sa yugtong ito upang masubaybayan ng publiko ang mga pagbabago sa mga alokasyon ng pondo ng bayan.