Umabot sa rekord na US$64 bilyon ang exports ng Pilipinas sa unang walong buwan ng 2026, dahil sa paglago ng electronics at semiconductors industry. Dahil dito,itinutulak ng pamahalaan ang mas malalaking pamumuhunan sa chip design, engineering at research.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, na namumuno sa Semiconductor and Electronics Industry Advisory Council (SEIAC), patunay ang paglago na unti-unti nang lumalawak ang papel ng Pilipinas sa global technology supply chain, mula sa manufacturing at assembly tungo sa mas mataas na antas ng teknolohiya.
Batay sa Philippine Statistics Authority, umabot sa US$9.1 bilyon ang exports noong Agosto lamang, pinakamataas sa loob ng 35 taon. Electronics products ang bumuo sa 68 porsiyento nito, katumbas ng US$6.2 bilyon.
Mula Enero hanggang Agosto, lumago nang 26.2 porsiyento ang electronics exports at umabot sa US$37.1 bilyon. Nanatiling pangunahing destinasyon ang United States, na umangkat ng US$12.3 bilyong halaga ng mga produktong Pilipino.
Itinaas naman ng Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation, Inc. (SEIPI) sa 10 porsiyento ang forecast na paglago ng electronics exports ngayong 2026, sa gitna ng tumataas na demand para sa artificial intelligence (AI) at data centers.
Kabilang sa inaasahang magpapalakas sa industriya ang planong pagpapalawak ng Toshiba sa operasyon nito sa Pilipinas sa susunod na tatlong taon, na inaasahang lilikha ng 3,000 trabaho.
Target ng bagong industry roadmap na umabot sa US$110 bilyon ang taunang exports pagsapit ng 2030, kasabay ng pagpapalawak ng semiconductor assembly, testing at packaging, at electronics manufacturing services.
Inaasahan ding lilikha ng mas maraming trabaho ang Luzon Economic Corridor at mga planong technology hub sa iba’t ibang bahagi ng bansa, bilang bahagi ng pagsisikap na makahikayat ng mas mataas ang halagang pamumuhunan at mapalawak ang oportunidad para sa mga manggagawang Pilipino.















