-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ni House Committee on Dangerous Drugs Chair at Las Pinas Rep. Mark Anthony Santos ang mga concerned government agencies na linawin ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga person of interest na may kaugnayan sa drug investigation sa Laos at hiniling na magsumite ng ulat sa Komite ng mga beripikadong impormasyon.

Sa pagdinig ng Komite nitong Huwebes, tinanong ni Santos kung may umiiral na hold departure order laban sa mga indibidwal na iniugnay sa kaso at kung minomonitor sila ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa kinatawan ng Bureau of Immigration (BI), inilagay na sa alert status ang mga indibidwal na pinangalanan kaugnay ng kaso.

Ipinaliwanag ng BI na kung tangkaing umalis ng mga ito ng bansa, makikipag-ugnayan ang ahensya sa PNP at PDEA at aabisuhan ang ahensyang humiling ng alerto.

Kabilang sa iniimbestigahan ang pagkakasamsam ng 521 kilo ng hinihinalang shabu sa Luang Prabang International Airport sa Laos noong Oktubre 1.

Hiniling din ng komite ang mas malinaw na koordinasyon ng mga ahensya at rekomendasyon para sa mga posibleng batas, pondo at karagdagang kagamitan upang mapalakas ang paglaban sa ilegal na droga.

“Finally, each agency is requested to designate a focal person for coordination with the committee secretariat of the House of Representatives,” wika ni Rep. Santos.