Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, ang tinatayang P41 million halaga ng iligal na droga na itinago sa 39 na international parcels na dumaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BOC, natuklasan ang mga shipment matapos dumaan sa profiling, x-ray screening, K9 inspection, at pisikal na pagsusuri.
Lima sa mga parcel ay nagmula sa India at pinaghihinalaang naglalaman ng mahigit apat na kilo ng shabu na may tinatayang halagang P29.53 million.
Samantala, ang iba pang mga parcel mula sa Estados Unidos, Spain, Germany, Canada, Netherlands, at United Kingdom ay naglalaman naman ng marijuana at ecstasy na nagkakahalaga ng halos P11.5 million.
Nakatakda sanang ipadala ang mga package sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Pampanga, Cebu, Cagayan de Oro, Surigao, at Antique.
Isinuko na ang mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa karagdagang laboratory examination at imbestigasyon.
Tiniyak naman ng Bureau of Customs na patuloy nitong palalakasin ang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
















