-- Advertisements --

Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA laban sa kumakalat na text scam na gumagamit sa No Contact Apprehension Policy o NCAP.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, may mga natatanggap na text message ang ilang motorista na nag-aalerto umano tungkol sa kanilang paglabag sa NCAP at hinihikayat silang magbayad.

Dahil dito, nagsampa na ng reklamo si Artes at nakipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para matugunan ang naturang scam.

Sinabi ni Artes na wala umanong kakayahan ang MMDA na direktang hulihin ang mga nasa likod ng text scam kaya umaasa sila sa law enforcement agencies. Iniimbestigahan na rin ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang insidente.

Samantala, hinimok naman ni Artes ang publiko na makipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council upang mapigilan ang pagpasok at paglabas ng pera patungo sa mga scammer.

Nagbabala rin ang opisyal sa mga motorista na maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon, lalo na sa mga text message na humihingi ng credit card o iba pang sensitibong detalye.

Sa kabila ng mga ganitong insidente, sinabi ni Artes na dapat pa ring gamitin ang NCAP dahil nakatutulong umano ito sa pagpapababa ng pagsisikip ng trapiko.