-- Advertisements --

Magtatalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng kabuuang 2,637 tauhan upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at maayos na daloy ng trapiko sa mga rutang daraanan ng mga delegado at iba pang panauhin sa 47th ASEAN Summit.

Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group Director III Atty. Victor Ma. Nuñez, magsisimula ang deployment kasabay ng mga aktibidad na may kaugnayan sa ASEAN Summit.

Makikipagtulungan ang mga traffic enforcer ng ahensya sa Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang maayos na paggalaw ng mga sasakyan, partikular sa mga kalsadang gagamitin ng mga convoy ng mga delegado.

Kabilang sa mga ipatutupad na hakbang ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagdaan ng mga convoy at paggamit ng stop-and-go traffic scheme upang mapabilis ang pag-usad ng mga sasakyan ng mga panauhin at maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala.

Layunin ng deployment na matiyak ang maayos na pagbiyahe ng mga delegado at mapanatili ang daloy ng trapiko sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.