Nanindigan ang singer-lawyer at kilalang tagasuporta ng pamilya Duterte na si Jimmy Bondoc na wala siyang pakialam sa mga bumabatikos at nag-“cancel” sa kaniya accounts matapos mag-viral ang pakikipagkuwentuhan, tawanan, at photo opportunity nila ni dating Senador Antonio Trillanes IV.
“Unfollow me, forget about me, cancel me, wala akong pake,” wika ni Bondoc.
Ang reaksyon ng ilang netizen ay nag-ugat sa pagiging kilalang kritiko ni Trillanes sa pamilya Duterte, kabilang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Sa kabila ng mga puna, binigyang-diin ni Bondoc sa kaniyang pahayag na nananatiling buo ang kaniyang suporta at paninindigan para sa pamilya Duterte at sa mga kaalyado nito gaya ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Inilatag din ni Bondoc ang kaniyang tatlong pangunahing panawagan: ang protektahan sina Vice President Sara Duterte at Mayor Baste Duterte laban sa kanilang mga kritiko, at ang maiuwi sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasabay nito, muling iginiit ng singer-lawyer na dapat nang isara ang International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y panghihimasok nito sa bansa sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute nitong mga nakaraang taon.
“Huling paalala:
Number 1: Protect Sara Duterte.
Number 2: Protect Baste Duterte.
And Number 3: Bring PRRD home, at isara na ang ICC,” dagdag pa ng singer-lawyer.
Pahabol pa niya: “Oo, mananagot sila Trillanes dyan balang-araw. Bye.”













