Inihayag ni National Food Authority Administrator Larry Lacson na may matinding pagbaba sa produksyon ng palay ngayong kasagsagan ng wet harvest season.
Ayon kay Lacson, kabilang sa mga pangunahing salik na nagtulak dito ang desisyon ng ilang lokal na magsasaka na huwag munang magtanim dahil sa mataas na cost of production, partikular ang pagtaas ng presyo ng mga pataba, gayundin ang malaking pinsala ng habagat at mga sunud-sunod na bagyo sa mga sakahan at kagamitan.
Sa kasalukuyan, naglalaro sa P16 hanggang P17 ang tinatayang puhunan ng mga magsasaka sa bawat kilo, habang hinihintay pa ng ahensya ang opisyal na datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang malaman ang kabuuang porsyento ng ibinaba ng ani.
Bilang maagang paghahanda sa nalalapit na dry season harvest kung kailan inaasahang magsisimulang magtanim muli ang mga magsasaka sa Enero, tuloy-tuloy at minamadali na ng ahensya ang konstruksyon ng mga karagdagang dryer at miller na inaasahang makukumpleto sa susunod na taon.
Bahagi ng mga hakbang ng ahensya ang pag-upa ng karagdagang 65 pribadong bodega, bukod pa sa hiwalay na natapos na mga pagkukumpuni sa sarili nitong mga pasilidad, kaya sa pangkalahatan ay kaya nang umabot sa isang milyong metriko tonelada ang kabuuang kapasidad ng bansa sa pag-iimbak ng palay at bigas.
Bukod dito, kabilang din sa mga itinayo at binuksang bodega ng NFA ang matatagpuan sa Dumangas at iba pang bahagi ng Iloilo; Region 5 sa Albay, Camarines Sur, at Catanduanes; at Region 4 sa Palawan at Occidental Mindoro.
Ayon kay Lacson, malaking tulong ang mga proyektong ito upang mas mapalakas pa ang kanilang palay procurement program at masiguro ang maayos na serbisyo sa mga magsasaka sa kabila ng mga kinakaharap na pagsubok sa sektor ng agrikultura.














