-- Advertisements --
Itinaas ng National Food Authority (NFA) sa hanggang P30 kada kilo ang presyo ng pagbili sa malinis at tuyong palay habang mahigit na dinoble rin ang bolyum ng maaaring maibenta ng bawat magsasaka sa hanggang 500 sako kada cropping season.
Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na nasa 80 porsyento ng mga sangay ng ahensya sa buong bansa ang bumibili na ng malinis at tuyong palay sa halagang P30 kada kilo, habang ang pinakamababang presyo ay nasa P28 naman.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., layunin ng mas mataas na presyo at pinalawak na procurement limit na matiyak na makakatanggap ang mga magsasaka ng mas magandang kita para sa kanilang kabuhayan at mahikayat silang magtanim sa kabila ng banta ng El Niño.
Ang pinalawak na programa sa pamimili ng palay ay naglalayon ding suportahan ang pagbuo ng rice reserves ng pamahalaan para sa mga programa tulad ng murang bigas at agarang pamamahagi ng tulong sa panahon ng mga bagyo at sakuna.
Upang maabot ang mga magsasaka sa malalayong lugar, bumibili na ang ahensya ng 150 mobile procurement trucks habang naglaan din ng karagdagang P10 bilyon si Secretary Tiu Laurel upang pondohan ang mas pinaigting na pagbili ng palay ngayong taon at sa susunod pang mga taon.














