-- Advertisements --

Kinumpirma ng isang opisyal ng Davao City Assessor’s Office na nakarehistro kay Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang isang ari-arian sa Juna Subdivision, Matina Crossing, Talomo, Davao City na tinatalakay sa nagpapatuloy na impeachment trial.

Sa ika-40 araw ng paglilitis nitong Lunes, November 9, tinanong ni defense lawyer Lindon Bacquel si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin kung sino ang nakatalang registered owner ng naturang property batay sa kanilang mga rekord.

Kinumpirma ni Adalin na si Carpio ang nakarehistrong may-ari at nakasaad din sa dokumento na siya ay kasal kay Duterte.

Tinanong din ni Bacquel ang opisyal tungkol sa halaga ng ari-arian.

Ayon kay Adalin, nasa P82,046 ang assessed value nito, habang umaabot naman sa P1,864,680 ang market value.

Matatandaang bahagi ng paglilitis ang pagsusuri sa mga ari-arian at dokumentong may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Sa ilalim ng natitirang Article II ng impeachment complaint, kabilang sa mga alegasyong kailangang sagutin ng kampo ni Duterte ang umano’y hindi pagtutugma ng kaniyang idineklarang yaman at aktuwal na mga ari-arian.

Samantala, ang naturang testimonya ay bahagi ng presentasyon ng depensa na inaasahang magbibigay-linaw sa mga dokumento at paratang na iniharap ng kampo ng prosekusyon.