Mariing tinanggihan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nagtatanong sa awtoridad ng ahensya sa pag-iisyu ng visa at sa mga alegasyon ukol sa passport services nito.
Binigyang-diin ng DFA na ang kapangyarihan nitong maglabas ng Philippine visas ay nakasaad sa Section 21(3) ng Administrative Code of 1987 at hindi lamang nakadepende o delegated ng Department of Justice (DOJ).
Idinagdag ng kawanihan na ang 14-day visa-free entry arrangement para sa mga Chinese nationals ay batay sa presidential directive upang isulong ang trade, investments, tourism, at people-to-people exchanges, na eksklusibo lamang sa turismo at negosyo at hindi maaaring i-extend o i-convert.
Tinutulan din ng DFA ang imbestigasyon o suhestyon na ilipat sa private service providers tulad ng VFS Global ang visa processing, dahil ang pag-apruba o pagtanggi sa visa ay isang sovereign government function na hindi puwedeng i-outsource.
Itinanggi rin ng kagawaran na naglalabas ito ng “fake” passports o nagpapatupad ng imposibleng documentary requirements, dahil lahat ng proseso ay mandated sa ilalim ng Republic Act No. 11983 o New Passport Law.
Ipinaliwanag ng DFA na ang mga bayarin sa passport at visa ay hindi commercial undertaking kundi kinokolekta ayon sa prescribed government Schedule of Fees bilang bahagi ng revenue ng pamahalaan kasunod ng mga maling pahayag sa isang programa sa radyo noong Nobyembre 7.










