Tiniyak ni House Prosecutor Rep. Terry Ridon na nakahanda ang buong House Prosecution Panel na magsagawa ng cross-examination sa lahat ng testigong ihaharap ng depensa sa pagbabalik ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong araw, Nobyembre 9, 2026.
Ayon kay Ridon, kailangang maipaliwanag ng kampo ng Bise Presidente ang umano’y P800 milyon hanggang P1.5 bilyong hindi maipaliwanag na yaman, kasama na ang mahigit P100 milyong laman ng mga financial account na hindi umano nakatala sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Nais din linawin ng prosekusyon ang mahigit P200,000 na credit card transactions na ginamit diumano sa pagkain sa labas at pamimili ng mga sapatos, bagama’t tumanggi si Ridon na ihayag kung sino sa kanilang panig ang partikular na magsa-cross examine sa mga testigo.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na hindi maaaring isisi ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang mga staff ang mga pagkakamali sa kaniyang SALN dahil bilang isang abogado ay alam nito ang legal na epekto ng pagpirma sa isang notarized document kaugnay ng P817.87 milyong tinatayang unexplained wealth nila ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Samantala, inihayag ni prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na handa ang lahat ng public at private prosecutors para sa paglilitis, habang iginiit na mas mainam na mismong ang Bise Presidente ang humarap bilang witness upang ilahad ang katotohanan laban sa mga alegasyon na kaniya namang itinatanggi.











