Tiniyak ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na masusing susuriin ng prosecution ang 24 na posibleng testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Lunes, Nobyembre 9.
Sinabi ni Ridon na kokontrahin nila ang mga testigong walang direktang kaugnayan sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa Bise Presidente.
Bagama’t bibigyan nila ng sapat na pagkakataon ang depensa na ilahad ang kanilang panig.
Iginiit ni Ridon na maghahain sila ng pagtutol kung hindi mahalaga o walang kaugnayan ang testimonya ng mga ihaharap na testigo.
Kinuwestiyon din niya kung makatutulong ang mga nakalistang testigo, kabilang ang mga opisyal ng bangko, kinatawan ng mga korporasyon at kawani ng lokal na pamahalaan, upang sagutin ang mga ebidensyang iniharap ng prosecution.
Samantala, sinabi ni House prosecution legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na handa silang makipagkasundo sa depensa sa mga bagay na hindi na kailangang pagtalunan upang maiwasan ang hindi kinakailangang delay sa paglilitis.
Nauna nang tinanggap ng Senate impeachment court ang mahahalagang dokumentong pinansyal na iniharap ng prosecution, na naglalaman ng mga alegasyon ng hindi naideklarang yaman na umaabot sa P817.87 milyon mula 2022 hanggang 2025.
“Kaya nga ang sinasabi natin, kailangan ho witnesses, hindi weaknesses ’yun pong isasalang po ng depensa sa darating pong mga araw. Kasi katulad ng binabanggit ho nitong nagdaan, parang wala po doon sa witness list ’yun pong tingin ko makakapagpaliwanag doon po sa punto per punto ng mga paratang at mga naipasok pong mga ebidensya sa formal offer of evidence,” pahayag ni Ridon.














