-- Advertisements --

Tiniyak ng House prosecution na kanilang kokontrahin ang anumang pagtatangka para patagalin ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.,wala nang dahilan upang magtagal pa ang paglilitis ngayong iisa na lamang ang natitirang impeachment article laban sa Bise Presidente.

Babala ni Tolosa, maaaring magdulot ng delay kung maghahain pa ng ebidensya ang depensa tungkol sa tatlong kasong binawi na o igigiit pa ng mga ito ang paggamit ng buong 30 araw para sa paglalahad ng ebidensya.

Kung maalala, noong Oktubre, binawi ng House prosecution ang tatlong impeachment article na may kaugnayan sa confidential funds, grave threats at bribery.

Naiwan ang Article II na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Sinabi rin ni Tolosa na bukas ang prosecution sa kasunduan tungkol sa mga hindi pinagtatalunang ebidensya upang mapabilis ang proseso.

Samantala, itinanggi ni VP Duterte ang mga paratang, habang kinuwestiyon naman ng kanyang mga abogado ang mga ebidensyang iniharap ng prosecution.

Nakatakdang simulan ng depensa ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya sa Lunes, Nobyembre 9.