Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na hindi dapat maging awkward o pagkakaroon ng ilangan sa pagitan nilang mga senador at ni Vice President Sara Duterte kung sakaling dumalo ito sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Office of the Vice President (OVP), ayon kay Sen. Risa Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na inaasahan nilang personal na haharap si Duterte sa plenaryo, gaya ng ginagawa sa mga pinuno ng iba pang ahensiya ng pamahalaan upang ipagtanggol ang kanilang kahilingan sa pondo.
Binigyang-diin ng senadora na hindi lamang ang bise presidente ang inaasahang dumalo dahil pareho ang pamantayang ipinapatupad sa lahat ng opisyal ng mga ahensiyang sumasailalim sa pagsusuri ng Senado.
Una nang hindi dumalo si Duterte sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee noong Oktubre 20, kung saan inaprubahan sa antas ng komite ang panukalang P785.2-milyong badyet ng OVP.
Kinatawan siya ni Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez, na nagpaliwanag na nasa Davao City ang bise presidente upang dumalo sa inurnment ng isang matagal nang city planner.
Matapos nito, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na umaasa siyang haharap si Duterte sa plenaryo dahil karaniwang inaasahan sa mga pinuno ng ahensiya na personal na ipagtanggol ang kanilang panukalang badyet.
Ayon kay Hontiveros, kung hindi muling dadalo ang bise presidente, itatala nila ito dahil hindi aniya wastong asal para sa isang pinuno ng ahensiya ang hindi pagharap sa pagtalakay ng pondong hinihingi nito sa Kongreso.
Nilinaw din ni Hontiveros na walang malalabag sa sub judice rule kung dadalo si Duterte sa budget deliberations. Aniya, hiwalay na proseso ang pagtalakay sa panukalang badyet sa impeachment proceedings na dinidinig ng Senado.
Binigyang-diin ng senadora na tungkulin ng Kongreso na busisiin ang panukalang badyet ng bawat ahensiya dahil pera ng taumbayan ang pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan.















