Nilinaw ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang magaganap na pag-uusap o paglalagda kaugnay sa isyu ng Pax Silica sa nakatakdang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit sa bansa.
“As the U.S. Ambassador to the Republic of the Philippines, I would like to address comments in the media about an announcement on the Pax Silica Economic Security Zone to occur during or after the ASEAN Leaders’ Summit in Manila this month,” opisyal na pahayag Amb. Lipton nitong Sabado, Nobyembre 8.
Pinabulaanan na rin ni Amb. Lipton na magkakaroon ng anumang anunsyo patungkol sa Pax Silica Economic Security Zone sa pulong sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at US President Donald Trump sa sidelines ng ASEAN Summit.
Iginiit ng US Ambassador na ang nasabing usapin ay dadaan muna sa masusing pagkokonsulta kasama ang pamahalaan bago magkaroon ng pagpapasiya sa naturang proyekto.
“Decisions will be made in full consultation with the government of the Philippines at the appropriate time. As stated previously and as part of this process, we expect rigorous discussions on impacts to all stakeholders,” saad ni Lipton.
Kaugnay nito, ipinahayag din ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, na malabo ng mangyari ang pagsasapinal sa kasunduan ng Pax Silica sa magaganap na summit dahil nagpapatuloy pa rin ang negosasyon kaugnay sa nasabing proyekto.
Nakatakdang bumisita si US President Donald Trump sa bansa upang makilahok sa ASEAN Summit ngayong buwan ng Nobyembre.
Samantala, nitong ikalawang quarter ng taon, isinapubliko ang plano sa ipinapanukalang higit 1,600 ektartang AI data center sa Capas, Tarlac sa ilalim ng US-initiative Pax Silica.
Umani ito ng sari-saring reaksiyon at pag-aalma, partikular sa mga progresibong grupo at sa komunidad ng Aeta sa Capas na lubhang maaapektuhan umano ng naturang proyekto.















