-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang panukalang palakasin ang pagtuturo ng sining sa junior at senior high school upang mapaunlad ang talento ng mga kabataang Pilipino at gawing pangunahing tulak ng ekonomiya ang creative industry ng bansa.

Ayon kay Yamsuan, maaaring patuloy na lumago ang sektor ng sining at malikhaing industriya sa pamamagitan ng digital platforms, makalikha ng mas maraming trabaho at mapataas ang kita ng bansa mula sa pag-export ng mga produktong malikhain.

Sa ilalim ng House Bill 7864, layong palawakin at gawing makabago ang Special Program for the Creative Arts (SPCA) ng Department of Education (DepEd). Kabilang sa mga bagong asignaturang isasama ang arkitektura, pelikula, disenyo, digital fabrication at new media, bukod sa creative writing, visual arts, musika, sayaw at teatro.

Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang programa upang malinang ang talento ng mga kabataan at makapaghanda ng mga bihasang animator, designer, filmmaker, musikero at iba pang manggagawa na kayang makipagsabayan sa pandaigdigang industriya.

Isinusulong din ng panukala ang pagtuturo ng financial literacy, entrepreneurship at kaalaman sa intellectual property rights. Itatatag din ang SPCA Council na mag-uugnay sa mga paaralan at creative industries sa pamamagitan ng mentorship, pagsasanay sa mga kompanya, scholarship at oportunidad sa trabaho.

Kabilang sa mga magiging miyembro ng konseho ang mga kinatawan mula sa DepEd, National Commission for Culture and the Arts, Department of Trade and Industry, Cultural Center of the Philippines at iba pang ahensiyang may kaugnayan sa edukasyon at creative industry.

Nakasaad din sa panukala ang pagkuha ng mga espesyal na guro at eksperto, pakikipagtulungan sa pribadong sektor para sa pagsasanay ng mga estudyante, at pagbibigay ng tax exemption sa mga donasyon at grant para sa programa.

Iminumungkahi rin ang tax incentives sa pag-aangkat ng mga kagamitang kailangan ng creative industry na hindi ginagawa sa bansa.