-- Advertisements --

Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Cempaka sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw, Nobyembre 9, ayon sa PAGASA.

Gayunman, hindi ito inaasahang direktang makaaapekto sa bansa. Tatawagin itong “Samuel” kapag nakapasok na sa PAR.

Huling namataan ang bagyo may 1,865 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro kada oras at gustiness hanggang 135 kilometro kada oras.

Samantala, inaasahang magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang hanging amihan sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Magdudulot naman ang easterlies ng mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas, Quezon at ilang bahagi ng Mindanao.

Asahan din ang panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.