-- Advertisements --

    Kinuwestiyon ni House prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan ang operasyon ng Cale88 Foods Corp. matapos mapansin ang kakulangan ng mga empleyado at hilaw na materyales sa mga rekord ng kompanya na gumagawa umano ng banana chips.

    “Banana chips daw ang negosyo pero walang saging sa libro,” pahayag ni Kapunan habang sinusuri ang mga dokumentong iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

    Batay sa mga financial statement na sinuri ng prosecution, may nakatalang kaunting finished products ang kompanya ngunit walang nakatalang hilaw na materyales, supplies o mga produktong kasalukuyang ginagawa.

    Kinuwestiyon din ni Kapunan ang bilang ng mga empleyado ng kompanya. Ayon sa General Information Sheets nito, walang rank-and-file employees noong 2023 at 2024, habang dalawa lamang ang naitala noong 2025.

    Tinalakay rin ni Kapunan ang P150.77 milyong kita ng kompanya noong 2024 at kinuwestiyon kung paano pinondohan ang operasyon at kung saan napunta ang perang pumasok sa mga account nito.

    Bahagi ang mga rekord ng Cale88 Foods sa pagsusuri ng prosecution sa mga negosyong iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Manases Carpio. Gayunman, bahagi pa lamang ito ng mga alegasyon ng prosecution na kailangang sagutin ng depensa.