-- Advertisements --

Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na nabigo ang House prosecution panel na patunayan ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente, at nakatakda nang simulan ni Duterte ang kaniyang depensa sa Lunes, November 9.

Ayon kay Duterte spokesperson Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., nagkaroon na ng pagkakataon ang prosekusyon ngunit hindi nito nagawang patunayan ang kaso.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng due process at patas na paglilitis, at iginiit na Hindi dapat hatulan ang isang akusado hangga’t hindi napapatunayan ang mga alegasyon sa korte.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na si Duterte mismo ang maaaring maging pinakamalakas na ebidensiya laban sa kaniyang sarili kapag humarap Ito sa impeachment court.

Kabilang sa mga kinuwestiyon ng prosekusyon ang umano’y P817 milyong unexplained wealth, mga hindi idineklarang bank deposits sa kaniyang SALN, at ang P776 milyong remittances sa Cale88 foods corporation na hindi umano nakatala sa joint SALN ng mag-asawang Duterte.

Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Lunes, November 9, ganap na alas-10 ng umaga.

Inihanda na ng depensa ang kanilang listahan ng 24 na paunang testigo na ihaharap upang sagutin ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente.