-- Advertisements --

Kinumpirma ni Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan na tinanggap ng Senate Impeachment Court ang halos lahat ng ebidensyang iniharap ng House Prosecution, kabilang ang SALN, bank records, financial records, BIR at AMLC documents.

Nilinaw ni Kapunan na hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga ebidensya dahil susuriin pa rin ng korte ang bigat at halaga ng mga ito.

Samantala, nananatili rin ang sub judice rule sa lahat ng impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang tatlong artikulong binawi na ng prosecution. Dahil dito, bawal pa ring talakayin sa publiko ang merito ng mga alegasyong Grave Threats, Confidential Funds at Bribery.

Tatlong pangunahing isyung dapat sagutin ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth ang tinukoy ng prosecution, kabilang dito ang hindi umano pagdedeklara ng ilang ari-arian at bank deposits sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), kuwestiyonableng pinagmulan ng kanyang yaman, at hindi umano pagbitaw sa mga negosyo matapos maupo bilang bise presidente noong 2022.
Kinuwestiyon din ng prosecution kung sapat bang maipaliwanag ng sahod, investments at iba pang lehitimong kita ni Duterte ang kanyang mga idineklarang yaman.

SAMANTALA, inihayag ni Kapunan na wala nang dahilan ang kampo ni Vice President Sara Duterte para iwasang sagutin ang mga ebidensyang iniharap ng House Prosecution matapos pagtibayin ng Senate Impeachment Court ang pagtanggap sa mga ito.

Ayon kay Kapunan, ibinasura ng impeachment court ang mga pagtutol ng depensa sa mga dokumentong hindi nakalakip sa impeachment complaint at sa mga ebidensyang nakuha sa pamamagitan ng subpoenas.

Tinanggihan din ng korte ang argumento ng depensa na nagsasagawa ng fishing expedition ang prosecution sa paghingi ng mga dokumento.

Tinawag naman ni Kapunan si Vice President Sara Duterte na “tunay na bully” at hindi si lead defense counsel na si Atty. Sheila Sison.

Ayon kay Kapunan, hindi si Sison ang bully dahil ginagawa lamang umano nito ang tungkulin bilang abogado at inuulit ang paninindigan ng kanyang kliyente.

Iginiit ni Kapunan na si Duterte ang tunay na bully dahil sa umano’y pag-atake nito sa iba’t ibang institusyon, kabilang ang Kamara, hudikatura, Senado at proseso ng impeachment.

Pinasinungalingan din ni Kapunan ang paghahambing ni Duterte sa kanyang sarili bilang David na lumalaban sa Goliath. Aniya, dapat suriin kung sino talaga ang gumagamit ng kapangyarihan at umaatake sa mga institusyon.