-- Advertisements --

Inihayag ni Atty. Neri Colmenares, isa sa mga abogado ng prosekusyon sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na patuloy ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na pormal na pagdinig sa Nobyembre 30 sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Colmenares, sa kasalukuyan ay marami pang isyu at nakabinbing mosyon ang hinihintay nilang desisyunan ng korte bago magsimula ang pagdinig.

Kabilang sa mga pangunahing pinagtatalunan ngayon ang pagpapakita at pag-iingat sa pagkakakilanlan ng humigit-kumulang 70 testigong inihanda ng kanilang panig.

Humingi na sila ng protective order sa korte upang matiyak ang kaligtasan ng mga testigo, kabilang ang paggamit ng sound distortion, pagtatago ng kanilang mga pangalan, at pag-iwas sa pagpapalabas ng kanilang mga mukha sa publiko.

Layon nitong maprotektahan ang mga testigo sa anumang banta sa kanilang buhay sa magiging pagdinig.

Samantala, para umano mapabilis ang paglilitis o streamlined trial, nais ng prosekusyon na gamitin na lamang ang mga nakasulat na sinumpaang salaysay o written affidavits ng mga testigong nakapanayam na, upang dumiretso na agad sa cross-examination sa halip na ulitin pa ang mahahabang direktang pagtatanong.

Gayunpaman, pinuna ni Colmenares ang panig ng depensa dahil tila sumasalungat umano ito sa mga hakbang na magpapabilis sana sa takbo ng paglilitis.

Matatandaang nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra-droga noong siya ay nanunungkulan pa bilang Pangulo ng bansa.