Hindi na tatanggapin ng Commission on Elections (COMELEC) ang barangay certificate of residency at cedula bilang patunay ng pagkakakilanlan ng mga magpaparehistro bilang botante.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na natuklasan kasi ng komisyon na may mga indibidwal na gumagamit ng naturang dokumento kahit hindi naman talaga residente ng barangay na kanilang pinag-aaplayan.
Sinabi ni Garcia na iniimbestigahan na nila ang ilang kaso ng umano’y maling paggamit ng mga naturang dokumento.
Sa halip, pinayuhan ng COMELEC ang mga aplikante na gumamit ng iba pang valid identification cards gaya ng passport, NBI clearance, police clearance, National ID, postal ID at driver’s license.
Kailangang may nakalagay na pangalan, litrato at address ng aplikante.
Muling magbubukas ang voter registration sa Nobyembre 10 bilang paghahanda sa 2028 National and Local Elections.
Kasabay nito, ilulunsad muli ng COMELEC ang Special Registration Anywhere and Anytime Program o RAP upang mailapit ang pagpaparehistro sa mga Pilipinong walang sapat na oras dahil sa trabaho.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng registration services sa mga piling lugar gaya ng paliparan, ospital at data centers.













