-- Advertisements --

Pormal nang ibinigay ng Department of Agriculture (DA) sa isang kooperatiba ng mga magsasaka sa General Mamerto Natividad, Nueva Ecija ang isang modernong rice processing facility na nagkakahalaga ng P65.6 milyon upang mapababa ang pagkalugi pagkatapos ng ani at mapaganda ang kalidad ng bigas.

Pinangunahan nina Agriculture Undersecretary for Rice Industry Development Engr. Christopher V. Morales at PHilMech Director IV Dr. Dionisio G. Alvindia ang pagturn-over ng Rice Processing System sa Talabutab Norte Primary Multipurpose Cooperative sa ilalim ng RCEF Mechanization Program.

Binubuo ang pasilidad ng isang multi-stage rice mill na may kakayahang magproseso ng 2 hanggang 3 tonelada kada oras na nagkakahalaga ng P54.7 milyon, at tatlong recirculating-type mechanical dryers na nagkakahalaga naman ng P10.88 milyon.

Ayon sa DA, layunin ng proyekto na bigyan ang mga lokal na magsasaka ng mas malaking kontrol sa pagpapatuyo at paggiling ng kanilang palay nang hindi na umaasa sa mga komersyal na pasilidad upang lumaki ang kanilang kita.

Inaasahang makikinabang dito ang nasa 11,219 na magsasaka na nagbubungkal ng mahigit 21,418 ektarya ng lupa sa munisipalidad at mga kalapit na komunidad.

Ipinatutupad ang programa sa pamamagitan ng PHilMech, katuwang ang pinalawig na RCEF Mechanization Program sa ilalim ng Republic Act No. 12078 na may pinalaking pondong umaabot sa P9 bilyon taon-taon hanggang 2031.