Personal na binisita ni National Dairy Authority (NDA) Administrator Atty. Marcus Antonius T. Andaya ang quarantine facility upang inspeksyunin ang 1,119 imported na buntis na dairy cattle mula sa Australia.
Kasama ang kanyang technical team, sinuri ni Andaya ang kalagayan ng mga hayop na kasalukuyang sumasailalim sa 30 araw na quarantine at health monitoring sa lalawigan.
Layunin ng masusing pagsusuri na matiyak na nasa maayos silang kondisyon bago tuluyang ipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryong magsasaka para sa kanilang kabuhayan.
Pinangunahan din ng Northern Mindanao Department ng NDA ang paggabay at pangasiwa sa kalusugan at kapakanan ng mga hayop sa buong panahon ng kanilang pananatili sa pasilidad.
Bahagi ang hakbang na ito ng programa ng ahensya na palakasin ang dairy herd inventory sa bansa sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga produktibong lahi ng baka.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga imported na dairy cattle sa pagpapalawak ng produksyon ng lokal na gatas at pagpapataas ng kita ng mga magsasaka sa buong bansa.














