-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel de Mesa na inaasahang papasok sa bansa ang nasa 5.5 milyong metriko tonelada ng imported na palay bago matapos ang taon.

Layunin ng hakbang na matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa, partikular sa gitna ng banta ng El Niño na maaaring makaapekto sa produksyon ng agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon kay De Mesa, nananatiling sapat ang suplay ng palay sa bansa, na nagmumula sa lokal na ani at kasalukuyang importasyon. Tinatayang aabot pa sa 80 hanggang 90 araw pagkatapos ng taon ang kakayahan ng bansa na matugunan ang pangangailangan sa suplay.

Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng maagang pag-aangkat, lalo’t hindi lamang Pilipinas kundi maging ang mga karatig-bansa ang maaaring maapektuhan ng El Niño. Aniya, posibleng magdulot ito ng pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural sa pandaigdigang merkado, kaya mahalagang makapaghanda ang bansa bago pa magkaroon ng kakulangan sa suplay.

Samantala, pinag-aaralan pa rin ng Department of Agriculture ang pagpapatupad ng pork import holiday na ipinangako sa mga lokal na hog raiser. Target ng ahensya na simulan sa kalagitnaan ng Nobyembre ang pagpapatupad ng quantitative restrictions sa pag-aangkat ng baboy.

Nais ng ahensya na limitahan sa 60 araw ang importation period, sa halip na 200 araw na pinapayagan sa ilalim ng umiiral na batas, upang mabigyan ng sapat na panahon ang industriya nito na makabangon.

Sinabi rin ni De Mesa na nakasalalay pa sa isinasagawang konsultasyon sa Tariff Commission at iba pang kaugnay na ahensya ang pinal na desisyon sa taripa, kabilang ang panukalang 40 porsiyentong tariff sa imported na baboy.