Isinusulong ng Department of Health (DOH), kasama ang Department of Finance (DOF), ang pag-update at pagpapalakas sa kasalukuyang Sweetened Beverages (SB) tax upang mabawasan ang mga banta sa kalusugan dulot ng mga matatamis na inumin.
Saklaw ng nasabing hakbang ang mga inuming may dagdag na asukal o non-sugar sweeteners, gaya ng mga softdrinks, ready-to-drink coffee at iced tea, packaged juice drinks, flavored milk, yogurt drinks, at electrolyte drinks.
Ayon sa mga awtoridad, ang madalas na pagkonsumo ng mga produktong ito ay direktang maiuugnay sa mataas na panganib ng sobrang timbang, labis na katabaan, pagkabulok ng ngipin, at type 2 diabetes.
Layunin ng panukalang ito na mapataas ang buwis sa presyo ng mga inuming ito upang epektibong mabawasan ang pagkonsumo ng publiko sa mga produktong nagdudulot ng iba’t ibang uri ng karamdaman.














