Hinimok ng ilang medical professional, sa pangunguna ni House Deputy Speaker Janette Garin, ang Professional Regulation Commission (PRC) na magsagawa ng pormal na imbestigasyon laban kay Dr. Tony Leachon kaugnay ng umano’y paglabag sa mga alituntunin ng medical ethics.
Sa isinagawang pagtitipon ngayong araw, Oktubre 26, dumating ang grupo bitbit ang mga kahon-kahon ng dokumento na magsisilbing ebidensya sa kanilang isinampang reklamo laban sa kilalang doktor.
Ayon kay Rep. Garin, matagal silang nanahimik ngunit aniya’y humantong ito sa pagkasawi ng marami dahil sa takot sa bakuna na ibinunsod umano ng mga naging pahayag ni Leachon noon, na nag-resulta sa pagdami ng mga kaso at pagkamatay mula sa mga sakit tulad ng tigdas at polio.
Pangunahing kinuwestiyon ng grupo sa kanilang petisyon ang scientific basis ng mga medical claims ni Leachon, maging ang saklaw ng kanyang professional expertise at ang mga binitawan nitong salita laban sa kapwa mga doktor.
Kabilang pa sa mga isyu na itinaas ay ang mga komento ni Leachon noong 2017 kaugnay sa kontrobersya ng Dengvaxia, na ayon sa grupo ay nagdulot ng kawalan ng tiwala ng publiko sa Department of Health at sa mga bakuna sa pangkalahatan.
Ayon naman kay Dr. Julius Lecciones, isang consultant physician na kabilang sa grupo, nagtitiwala sila na gagawin ng PRC ang nararapat na hakbang upang papanagutin si Dr. Tony Leachon sa pamamagitan ng mga ebidensyang kanilang isinumite.
Samantala, sa naging tugon ni Dr. Leachon, iginiit niyang ang kanyang adbokasiya ay nakasalig sa pagprotekta sa mga pasyente at sa paghahanap ng katotohanan sa public health.
Dagdag pa ni Leachon, ang kanyang mga naging pahayag tungkol sa isyu ng Dengvaxia ay hindi kailanman binuo para manira, kundi upang bigyang-diin ang mga isyu ng accountability at transparency na patuloy na nakaaapekto sa mga pamilyang Pilipino.
Aniya, nirerespeto niya ang due process at ang mga institusyong nagpapanatili ng mga professional standards, ngunit nanawagan din siya na tiyaking hindi ginagamit ang mga imbestigasyon para patahimikin ang mga tumitindig para sa hustisya.















