-- Advertisements --

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Second Division si dating Department of Health (DOH) Secretary at kasalukuyang Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa mga kasong graft at malversation of public funds kaugnay ng kontrobersyal na pagbili ng Dengvaxia vaccine noong 2015.

Batay sa desisyon ng hukuman, napatunayang walang sapat na ebidensya na nagpakita ng masamang layunin o matinding kapabayaan si Garin sa pagpapatupad ng naturang pambansang immunization program.

Nag-ugat ang kaso sa pagbili ng pamahalaan noong Disyembre 2015 ng humigit-kumulang P3.5 bilyong halaga ng bakuna mula sa pharmaceutical giant na Sanofi Pasteur sa huling bahagi ng administrasyong Aquino.

Isinagawa ang immunization program noong Abril 2016 kung saan hihigit sa 800,000 mag-aaral sa pampublikong paaralan sa Central Luzon, Calabarzon, at National Capital Region ang nabigyan ng dosis upang labanan ang tumataas na kaso ng dengue.

Gayunman, ipinatigil ang programa noong Nobyembre 2017 matapos maglabas ng babala ang Sanofi na ang bakuna ay maaaring magdulot ng mas malalang sintomas sa mga indibidwal na hindi pa kailanman nagkaroon ng dengue, na nagbunsod ng malawakang kontrobersya at serye ng kaso laban sa mga opisyal ng kalusugan.

Sa kabila ng mga naging habla sa iba’t ibang korte, iginiit ng kampo ni Garin na ginawa ang procurement nang may katapatan para sa pampublikong kalusugan at alinsunod sa mga umiiral na batas ng pamahalaan.